Si Gabriela Silang, larawan ng isang matapang na Kababaihan. Tumindig at lumaban para sa asawang (Ka Diego Silang) pinaslang. Simbulo ng pagiging Magiting at Matatag, iyan si Gabriela!
Ni: Edong Magpayo, Naisulat ko po ito noong Ika 6 ng Marso Taong Dalawang Libo at Pito (2007)
Babae, isang ina. Sinasabing ilaw ng tahanan taga-hulma ng kaniyang mga supling at taga-hubog sa kamalayan ng bawat indibidwal. Sa pagsulong ng mahabang panahon at sa patuloy na pag-ikot ng ating daigdig, ganoon din kabilis ang pagbabagong-anyo ng ating mga kababaihan. Hindi na sila ang tipo ng mga babaeng nakapako ang kakayahan sa loob lamang ng ating tahanan, sila ay patuloy ng lumalago sa larangang nais nilang tahakin. Sumasabay na sila sa agos ng buhay at gawain, mga babaeng binihisan ng bagong anyo at handang sumabak sa mga larangan at pumapantay sa mga kalalakihan, at handang sumulong para basagin ang kinamulatang gawi na ang mga babae ay dapat lamang sa tahanan.
Maihahalintulad ka ba kay GABRIELA? Isa ka ba sa sinasabing handang lumaban at makibaka para maisulong ang ipinaglalaban ng asawang pinaslang? Sa kasaysayan, isa na marahil si Gabriela sa maipagmamalaki ng ating mga kababaihan, dito ay ipinagpatuloy niya ang pakikipaglaban ni Diego Silang upang makamit ang kalayaang minimithi ng kaniyang mga kababayan. Hindi niya alintana ang mga balakid sa pagsuong niya sa pakikiharap sa mga taong pumaslang sa kaniyang asawa at para na rin sa kaniyang Inang Bayan. Iyan si Gabriela, isang babae may prinsipyo, matatag at hindi sumusoko sa bitag ng mga kalaban.
Ikaw ba ay si Maria Clara? Isang babaeng minsan ay naikubli ang tunay na nararamdaman sa isang nililiyag at ng hindi naipahiwatig ang kubling pag-ibig ang naging hantungan ay pagpapatiwakal o ang pagtalon sa bintana ng kumbento at ang naging hantungan ay malamig na bangkay. Si Maria Clara ay larawan ng isang kahinaan, at kung ating uugatin ang pinagmulan matutumbok mong lalaki ang dahilan at ito ay si Padre Damaso taga pigil sa lahat ng kaniyang naisin gawin at sa huli lalaki rin ang tumapos ng kaniyang huling hininga, ito’y ng hindi niya naibulalas ang pag-ibig na nasa para kay Crisostomo Ibarra.
Ikaw ba ay si Tandang Sora? Ginamit ang likas na kakayahan at naging malikhain noong panahon ng himagsikan. Naging tagapag-kubli ng mga katipunero laban sa mga mapanupil na hapones, ginamit din ang kakayahan sa paggagamot upang maisalba at mapagaling ang mga biktimang katipunero laban sa mga buwitreng dayuhan na nagnanais na sakupin ang ating bansang sinilangan. Ang galing niyang likas sa pagiging malikhain at taktika o estratehiya ay naging susi natin upang bumalik ang sigla li lakas ng ating mga katipunero noong panahon ng himagsikan. At hindi niya alintana kung ano ang nakaamba sa buhay niyang tangan basta ang mahalaga ay may magagawa siya.
Ikaw ba ay si Magdalena? Binansagang taga-aliw ng kalalakihan sa Mabini at Ermita, ang paglitaw sa pagkagat ng dilim ay iyo ng gawain. Kumakalam na sikmura ay kailangang tugunan, sadlak sa kahirapan ay kailangang maalpasan. Hindi mo alintana ang kalalabasan basta’t malamnan lamang sikmurang uhaw at hindi mo man ito nais na iyong kasadlakan kapatawaran naman ang hiling ng iyong uhaw na katauhan, iyan si Magdalena binasagang kalapating mababa ang lipad sa Ermita, Maynila.
O ikaw ba ang OFW na handang ibuwis ang buhay sa ngalan ng pamilya…Hindi lingid sa atin kaalaman ang naganap sa isang babaeng tinuran na bagong bayani ng ating bayan na si Flor Contemplacion tanging hangad lamang ay makaahon sa banig ng karukhaan ang pamilyang naiwan sa Pinas ngunit sa di inaasahang pagkakataon napagbintangang kumitil ng buhay ng kapwa niya Pinay sa bansang Singapore at dahil doon siya ay nahatulan ng bitay at kaya ng bumalik sa Pinas isa na siyang malamig na bangkay.
O marahil ikaw ang Guro na tinaguriang ikalawang Ina ng mga kabataan sa paaralan. Gaya ng isang Ina ikaw ay tagapag-panday at tumatayong giya para sa pagpapaunlad ng kaisipan ng mga kabataan ukol sa
kahalagahan ng edukasyon, kultura, tradisyon, paniniwala, relihiyon, kalikasan at pagkapantay-pantay
ng tao saan mang dako ng mundo. Isang babae na handing isalin ang kaniyang kaalaman para sa pagpapalago ng kamalayan ng mga kabataan. Isang babae na handing isakripisyo ang buhay kapalit ng maliit na kita sa pagtuturo, dahil ang pag-aalay ng kaniyang kalinangan ay isang gantimpalang hindi kayang higitan ng salapi.
O baka naman ikaw ay isa na sa makabagong babae ng Milenyo, handang gamitin ang katawang hubad para ibalandra sa mga magasin, bilbord, tarpaulin at mga pahayagan? Gagamiting taktika upang mapag-usapan at ng tuluyang makilala sa larangang nais na patunguhan. May lakas ng loob na gamitin ang imahe ng katawan na kahit sa mata ng ilan ito ay hindi magandang ehemplo. Ngunit para sa iyo ito naman ay pagsunod lamang sa agos ng mundo na ayon na rin sa iyong pananaw ito ay bahagi lamang ng tinatawag na sining na nakapagpapakiliti naman sa imahinasyon ng mga mambababasa at nakakakita.
Ikaw ba si Corazon bayani ng EDSA rebolusyon? Nanindigan, lumaban at nakibaka para sa pagpapatuloy ng nasimulang ng kaniyang asawang pinaslang doon sa paliparan Tarmak ang ngalan. Dumagaundong ang galit at poot, nag-anib ang lakas ng nagiisang sigaw pagbagsak sa rehimeng Marcos ito ang naging katugunan, at sa pagsulong ng bagong kalayaan ikaw ay naluklok na kauna-unahang babaeng Pangulo ng ating lipunan. Hindi mo alintana ang susuunging pakikibaka, basta ang mahalaga makamit ang tunay na kalayaan na minimithi ng ating buong bayan iyan si Corazon babae at may paninindigan para sa Inang Bayan.
O dili kaya ikaw ay si Eba handang matukso sa mansanas na bigay ng ahas, kaya sukli ay kapighatian at sumpa ng sandaigdigan? Mahina at madaling mapasunod sa mga maling gawi. Ito ang mga karakter na kalimitang idinidikit kay Eba, isang babae na minsan ay nagiging tulay sa pagkawasak ng isang nabuong samahan. Babaeng tila magnetong humihigop sa kahinaan ng kaniyang nais mapasunod at kung mahina-hina ka ikaw ay tuluyang magagayuma ng kaniyang kakaibang kariktan. Iyan si Eba, babae isang tukso.
Sa patuloy na pagsuong ng mga babae sa ibat-ibang larangan ay patuloy din na lumalago ang ibat-ibang karakter na ating nasisilayan. Subalit kahit ano pa man ang kaniyang kinasadlakan, wala tayong karapatan na siya ay husgahan isinilang tayong pantay-pantay sa mata ng Diyos at ng ginagalawang lipunan.
Ang sanaysay na ito ay nagsasaad lamang ng ibat-ibang anggulo ng mga kababaihan, pagtingin sa kanilang kamulatan, pag-alam sa kanilang nakaraan at kasaysayan ay dapat lang nating tingnan at pag-aralan. Hangad lang ng may akda na maitawid sa ating kaisipan na tayong mga nilikha ay may kaniya-kaniyang kahinaan at kalakasan na dapat nating alamin. Saludo po ako sa mga kababaihan sapagkat kami sa inyo ay nagmula at ako ay nagpupugay sa inyong kadakilaan. Mabuhay po kayo!!!